Tuesday, October 12, 2010

10-12-10: GIVEN TOPIC: Ang katangiang hinahanap ko sa isang kaibigan

                Ang kaibigan ay isang tagasuporta, kasundo, karamay. Ito raw ang umaasiste sa atin sa anumang pinagdadaanan, malungkot man o masaya. Nahanap ko ang depinisyong ito sa internet nang alamin ko ang ibig sabihin ng salitang ‘friend’, at isinalin ko nalang ito sa Tagalog.  Wala akong nahanap na matinong kahulugan ng ‘kaibigan’, maaaring dahil sa palpak ang google o kaya nama’y mahina lang akong maghanap. Wala ni isa sa aking mga kaibigan ang naririto sa bahay kaya wala rin akong mapagtanungan. Ni hindi nga ako sigurado kung tama ba ang mga pinagsususulat ko dito para sa unang bahagi ng sanaysay, ang panimula.
                Walang tao o hayop ang makakayanang mag-isa sa talang buhay nila. Maging ang mga halaman ay kailangan ng kasama, ng isang kaibigan. Ang OA ba? Mukha nga, pero nagsasabi lang ako ng totoo.
                Sobrang dami kong kaibigan kung pagbabasehan ang facebook! Umabot na ang bilang sa mahigit tatlong libo pero hindi aabot sa isang libo ang talagang kilala ko, hindi aabot sa limang daan ang matatawag ko talagang “kaibigan”.
                Ano nga ba ang hanap ko sa isang kaibigan? Malamang pareho lang ang hanap ko sa hanap ng lahat ng tao. Hindi ako naghahanap ng perpekto dahil alam na alam ko namang walang ganun. Hindi rin mahalaga sa akin ang hitsura para mapabilang sa listahan ng ‘circle of friends’ ko.
                Palakaibigan ako. Totoo. Madali naman akong lapitan kung hindi ka masyadong gago at ugaling mamamatay-tao. Madali rin akong mapakwento basta’t nakikita kong interesado ang kausap ko. Sa kwentuhan nabubuo ang bagong samahan, ang pagkakaibigan. Dito malalaman kung magkasundo ba ang dalawang tao, kung pareho ang trip, kung napapasaya ang isa’t isa sa pamamagitan lang ng salitan ng pananaw at napagdaanan. Madaling maging kaibigan ang masarap kakwentuhan. Yun ang gusto ko, may kwenta kausap, marunong makinig, marunong magsalita, nakakaintindi. Sa umpisa, puro usap lang hanggang sa unti-unti nang gagawa ng mga bagay bagay, magkasamang haharap sa kung anu-ano, magkasamang lalawak ang pag-iisip, matututo.
                MU. Mutual Understanding. Kailangang meron kami nito ng mga kaibigan ko. Kung wala nito, away o tampuhan ang kahihinatnan. Sobrang gaan sa pakiramdam na kahit matagal kayong hindi nag-usap at nagkita ng isang kaibigan, walang tampuhan. Nagkakabawian, walang sakalan, hindi nagbago ang samahan.
                Kabaligtaran ng B.I.: magandang halimbawa. Mga taong hindi mo ikakahiyang ipakilala sa mga magulang. Hindi ko sinasabing kailangang walang bisyo, malinis, walang tattoo, walang hikaw sa labi at sa dila at sa pusod at sa kung saan-saan pang bahagi ng katawan pwera sa tainga, mabango, masipag, sobrang galang, mukhang inosente, mukhang mabait, nakatapos,  at kung anu-ano pa. Wala ngang perpekto at alam ko nga yun. Ang magandang halimbawa para sa akin ay yung mga taong marunong rumespeto, nakikibagay, mahal ang sarili’t mga taong nasa paligid niya, may saya, totoo, bukas ang isip, tumatanggap, may pangarap na maganda, may kontrol, at hindi gugustuhing ipahamak ako at ang iba pa.
               Hindi lahat, permanente. Hindi lahat ng kaibigan, pang-matagalan o panghabang-buhay. Andiyan yung may lilipat ng tirahan, lilipad papuntang ibang bansa, makakaaway at hindi na makakabati, magiging abala sa ibang bagay, magsasawa, makakalimot, at mamamatay. Masaklap talaga. Swerte lang natin kung makatagpo tayo ng ilang kaibigang magsusumikap para hindi masira ang relasyon, yung magpupursiging hindi mawala hanggang sa kamatayan. Dapat patas. Hindi ko sinabing siya lang ang magsusumikap. Siyempre, pati ako. Balikan lang dapat.
              Lahat ng tao, kailangan ng kaibigan. Kung walang kaibigan, walang karamay. Ang pamilya ay kaibigan, ang kaibigan ay pamilya. Kaya kung sabihin niyo mang andiyan naman ang pamilya kahit wala ang kaibigan, mali parin kayo kasi parang iisa lang yun. Ang gulo ko, pero naintindihan niyo naman siguro. Malamang, iba-iba ang hanap nating katangian sa isang kaibigan dahil iba-iba rin ang ating personalidad. Kadalasan, mas pinipili natin yung mga taong kawangis natin. Kawangis, yung kapareho natin sa madaming bagay. Yung makakasama natin nang walang harang, hindi nakakailang. Walang tinatago, di naka-maskara, alam pati baho. Anuman ang hanap natin sa isang kaibigan, isa lang ang sigurado kong pagkakapareho ng lahat, ang makahanap ng hindi mang-iiwan. “Till death do us part”.

5 comments: